NAKATANGGAP na ng second dose ng CoronaVac vaccine na gawa ng Sinovac ng China ang mga miyembro ng Manila Police District (MPD) ngayong araw.
Ayon sa Manila Public Information Office, nasa 503 na MPD personnel ang nakatanggap ng second dose ng bakuna kontra COVID-19 na isinagawa sa MPD headquarters.

Nagpapatuloy pa ang vaccination sa mga personnel ng MPD kaya maaari pang tumaas ang bilang ng mga makakatanggap ng second dose ng Sinovac.
Samantala, sa pinakahuling datos ng MPD ngayong April 29, umabot na sa 899 ang kumpirmadong kaso sa kanilang hanay.

Nasa 34 naman ang aktibong kaso, 860 na ang nakarekober habang lima naman ang binawian ng buhay dahil sa virus.
Sa aktibong mga kaso, 28 ang nananatiling naka-quarantine, tatlo ang nasa ospital habang ang tatlo pa ay naghihintay ng kanilang quarantine.

