INIHAYAG ng Manila Police District (MPD) na lalo pa nitong paiigtingin ang kaayusan at seguridad sa Divisoria ngayong papalapit na ang Kapaskuhan dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga mamimili.
Kasabay nito, nakipag-ugnayan na ang MPD sa mga barangay na nasasakupan ng Divisoria na magiging katuwang nito sa pagpapanatili ng payapa at malinis na paligid.
Ngayong araw, Nobyembre 29 ay namahagi ng mga two-way radios at whistles (pito) ang MPD bilang inisyatibo ni Station 2 Dagupan Outpost Supervisor PSMSgt. Gerardo Tubera.
Kabilang sa mga barangay na nakatanggap ng mga unit sa “Pulis at Barangay Ugnayan and Turnover of Two-way Radios and Whistles” ay ang Barangay 3, 4, 6, 7, 8, 9, 48, at 49.
Bawat barangay ay binigyan ng tig-12 pito at 5 two-way radio na magagamit nila sa pagroronda sa buong Divisoria na nasasakupan ni PSMSgt. Tubera.

Dumalo sa turn-over ceremony sa Brgy. 48 covered court sa Dagupan, Tondo si MPD Director P/Brig. Gen. Andre Dizon bilang panauhing pandangal at nanguna sa pamamahagi ng mga unit sa mga barangay chairman kasama si Station 2 Commander PLt. Harry Lorenzo III at PSMSgt. Tubera.
Ayon kay Tubera, ang nasabing aktibidad ay bunga ng pagtutulungan ng barangay, samahan at kapulisan sa adhikain na maging malinis at maayos ang Divisoria.
Ang pamamahagi rin aniya ng mga kagamitan ay bilang pagsuporta sa mga opisyal ng barangay para sa mabilis na komunikasyon para sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.
Naniniwala naman si Gen. Dizon na malaki ang maitutulong ng barangay sa pagmamatyag sa paligid at komunidad.
Aniya, may programa ang pamahalaan na maximum police visibility kaya hinihingi nito sa bawat barangay ang kanilang tulong na samahan ang kapulisan ng Maynila sa pagpapatrolya sa gabi para sa paghahangad ng kaayusan at kapayapaan habang mahimbing na natutulog ang kanilang mga constituents.

