Breaking News

Share this information:

MAGDARAOS ng “Mass for Frontliners” ang Simbahang Katoliko na gaganapin sa San Felipe Neri Parish, Mandaluyong City sa Setyembre 15.

Pangungunahan ang nasabing misa para sa tinaguriang national heroes o pambansang bayani sa gitna ng nararanasang COVID 19 pandemic hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.

Sisimulan ni Cardinal Advincula at Rev. Fr. Hans Magdurulang, Parochial Vicar ng nasabing parokya, ang “mass for frontliners” ganap na alas 9 ng umaga bilang  pagkilala at pagbibigay halaga sa mga health worker na itinataya sa panganib ang buhay para bigyang lunas at iligtas ang mga nahawaan ng Coronavirus disease.

Itinuturing man na mga bayani sa gitna ng pandemya, ay sinasabing hindi naman binibigyan ng kasalukuyang administrasyon ng halaga at napabayaan ang kapakanan ng mga unang lumalaban para matugunan ang pandaigdigang krisis pangkalusugan.

Nagpahayag na ang mga healthcare workers sa pamahalaan na unahin ang pagbibigay ng mga itinakdang benepisyo para sa kanila.

Matatandaang nakapaloob sa Bayanihan 1 and 2 at Administrative Order 36 ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang lahat ng pribado at pampublikong healthcare workers na tumutugon upang mapigil ang paglaganap na transmission ng COVID 19 ay makakatanggap ng Special Risks Allowance (SRA), na ipinatupad noon pang ika-17 ng Marso 2020.

Sa paggunita ng bansa ng National Heroes Day noong August 28, 2021 ay kinilala at binigyang pugay ni Cardinal Advincula ang hindi matatawarang sakripisyo at pagtataya ng buhay ng mga healthcare workers upang sagipin ang mga nagkasakit ng COVID 19.

Live na mapapakinggan sa Radio Veritas 846AM at mapapanood sa Veritas FB page VERITAS846.PH, Radio Veritas YouTube channel, rcamaoc.org at TV Maria ang “mass for frontliners.”

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: