Para sa kaalaman ng mga motorista sa Metro Manila, nakatakdang isara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang U-turn slot para bigyan daan ang pagpapatupad ng Busway project sa EDSA.
Sa darating na Lunes Septyembre 28 unang isasara bandang alas-12:01 ng madaling araw ang U-turn slot malapit sa Trinoma Mall at North Avenue, southbound at northbound.
Bago isara ay maglalagay muna ang MMDA ng directional traffic signs sa maapektuhang U-turn slot para na rin sa gabay ng mga motorista.
Kaya mula sa southbound patungong northbound maaring gamitin ng mga motorista ang Quezon Avenue service road U-turn slot.
Mula naman sa northbound patungong southbound ay maaring dumaan sa Quezon Academy U-turn slot.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ilan pang U-turn slot sa EDSA ang nakatakdang isara upang bigyan daan ang pagpapatupad sa EDSA Busway Project para aniya mas mapabilis ang biyahe ng mga motorista at mananakay.
Ang ilan sa mga U-turn slot ay sa bahagi ng De Jesus, Gen. Tinio, Malvar at Biglang-Awa sa Caloocan City; Balintawak, Kaingin, Landers, Dario Bridge, Walter Mart, Quezon City Academy, Trinoma, Timog at Santolan sa Quezon City.