ISASARA ang mga sementeryo sa Metro Manila sa panaho ng paggunita ng Undas bilang bahagi ng pag-iingat na kumalat pa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Paranaque City Mayor Edwin Olivarez, chairperson ng Metro Manila Council (MMC), nagkasundo ang mga alkalde sa National Capital Region na mapag-isa ang kanilang ipatutupad na polisiya sa All Soul’s Day at All Saint’s Day ngayong taon.
Hindi muna pupuwedeng pumasok sa mga sementeryo, pribado at pampubliko simula sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.
“Ang pinagpulungan kahapon ay magkaroon ng uniform na policy sa darating na Undas. Iko-close ‘yung ating mga cemetery, public and private, mula po ng October 29 hanggang November 4,” ani Olivarez.
Pero paglilinaw ng alkalde, hindi kasama sa ipagbabawal ang burol at paglilibing kundi ang pagbisita lang sa mga puntod.
Kasabay nito ay hinihimok ni Olivarez ang publiko na magtungo na lang sa mga sementeryo, bago o pagkatapos na ng Undas.
“Pagpunta po nila [sa sementeryo], atin pong paiiralin ang ating minimum health protocol. ‘Yung pagsusuot ng face mask at face shield, pati ‘yung [physical] distancing,” dagdag nito.