Mga pampublikong sasakyan lalagyan ng “GPS”

Share this information:

MAS mapapadali na ang pagsubaybay sa mga bumibiyaheng pampublikong sasakyan na lumalabag sa batas trapiko gaya ng jeepney at bus dahil kakabitan na sila ng “Global Positioning Satellite” o GPS.

Ito ang inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) makaraang ilunsad ang programang Central Public Utility Vehicle Monitoring System (CPUVMS) nitong araw ng Biyernes, September 17, 2021.

Ayon sa LTFRB, alinsunod na rin sa nais ng DOTr na mapangalagaan ang papel na ginagampanan ng teknolohiya pagdating sa kaligtasan ng publiko lalo na sa panahon ng pandemya.

Sa pamamagitan umano ng paglalagay ng GPS sa kanilang unit ay mas magiging maayos, ligtas at maaasahan ang ibat ibang serbisyo ng ahensiya.

“Paulit-ulit po naming bibigyang-diin na sa ating recovery efforts ngayong panahon ng krisis, malaki po ang papel na ginagampanan ng technology at digitization. Mas itinataguyod ng digitization ang safety ng mga tao. Dahil po dito, nalilimitahan ang human intervention at mas napapabilis ang serbisyo ng ating mga frontline services sa sektor ng transportasyon,” pahayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade.

Ang CPUVMS ang kauna-unahan at modernong sistema ng ahensiya kung saan ‘real-time’ ang pagmo-monitor sa bawat biyahe, bilis, estimated time of arrival (ETA) at dami ng mga tumatakbong PUVs sa isang partikular na oras at ruta sa pamamagitan ng GPS.

Malaking tulong umano para makapagbigay ng sapat na impormasyon sa mga pasahero sa pagplano ng kani-kanilang mga biyahe.

Sa pamamagitan ng Command Center ng LTFRB Central Office, ay mabilis na malalaman ang posibleng mga violations o paglabag sa mga alituntunin at batas ng mga public utility vehicle (PUV), gaya ng pagiging out of line, over dwelling, speeding at pagiging colorum.

Nabatid na kasalukuyan ng ginagamit ang CPUVMS sa Phase 1 ng Service Contracting Program (SCP) kung saan binabantayan sa Central PUV Monitoring Station ang takbo ng mga Public Utility Bus o PUB na bumibyahe sa EDSA Carousel. Sa takdang oras na maging fully operational ang CPUVMS ay ipatutupad ang Phase 2 para sa City Public Utility Bus (PUB), Phase 3 naman para sa Provincial PUBs, at Phase 4 para sa mga pampublikong sasakyan sa mga Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.