Planong gawing COVID-19 vaccination site ang ilang mga paaralan sa lungsod ng Maynila bilang paghahanda sa gagawing vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, kabilang ang mga paaralan na nakikitang maaaring gawing lugar para sa gagawing pagbabakuna sa mga residente dahil sa malaking espasyo o open space nito.
Marami aniyang mga paaralan ang may mga quadrangle kung saan maaring maghintay at pumila ang mga magpapabakuna.
Sa mga classroom naman gagawin ang mismong proseso ng pagbakuna, at may iba pang classroom na magsisilbi namang waiting area ng mga nabakunahan na (dito hihintayin kung makakaranas sila ng adverse effects matapos maturukan).
Tiniyak naman ng alkalde na ihahanda na ng Manila LGU ang kanilang puwersa at iba pang asset sa sandaling may matukoy nang lugar para sa vaccination program.
Gaya na lamang ng mga healthcare worker na tututok sa inoculation o pagbabakuna, at suplay ng mga bakuna na dapat ay agad na magamit upang iwas-panis, ani Moreno, dahil sensitibo rin kasi sa temperatura ang vaccine.
Bukod dito, mayroon ding ide-deploy na mga tauhan at mga ambulansya ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office para umasiste at matiyak ang maayos na mass vaccination.
Inaasahan naman na magsasagawa pa ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga simulation exercise bilang paghahanda sa kanilang COVID-19 vaccination program.