Mga ospital at quarantine facility sa Maynila para sa COVID-19 patients, napupuno na

UMAABOT na sa 58 percent ang occupancy rate ng mga quarantine facility at ospital na pinangangasiwaan ng pamahalaang lungsod ng Maynila dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Francisco Domagoso, batay sa Manila Health Department (MHD) ay nasa 167 na ang okupado sa 304 beds sa anim na district hospitals sa lungsod na inilaan sa mga pasyenteng may virus infection. Kabilang sa mga ito ang Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, Justice Abad Santos Medical Center, Ospital ng Tondo at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center. 

Maging ang mga quarantine facility sa lungsod ay napupuno na rin ng mga COVID-19 positive at naitala na ang 91 percent occupancy rate. Ayon sa alkalde, umabot na rin sa 539 ang kapasidad sa mga kama ngunit ngayon ay okupado na ang 488 beds.

Sa hanay naman ng mga suspect case na nasa mga quarantine facility ay umabot na sa 83 percent ang occupancy rate kung saan 33 na ang okupado mula sa 40 na beds.

Nanawagan naman ang alkalde sa publiko na paigtingin pa ang pag-iingat laban sa sakit  at laging sumunod sa health protocols  upang hindi na tamaan ng sakit o mahawaan ng virus.

Isa ang lungsod ng Maynila na may naitatalang mataas na kaso ng COVID-19 sa Metro Manila. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.