Mga opisyal ng gobyerno, walang access sa pondo ng COVID-19 vaccine – Galvez

PINAWI ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang mga pagdududa na mayruong mga opisyal na nagkaroon ng kickback kaya’t nabigo ang pamahalaan na maagang makakuha ng 10 milyong doses ng bakuna mula sa Pfizer.

Diin ni Galvez, walang sino mang opisyal ng gobyerno ang may access sa pondo para sa pagbili ng bakuna.

Ang lahat aniya ng deal ay idaraan sa international procurement agreements at ang pagbabayad ay pangangasiwaan ng multilateral partners tulad ng Asian Development Bank at World Bank at ng Department of Finance.

Nauna nang lumutang ang isyu ng “kickvacc” kaya’t nabigo ang bansa na maagang makakuha ng suplay ng COVID-19 vaccine.

Sa proseso ng pagbili ng bakuna, ipinaliwanag ni Galvez na ang Department of Health ang nangunguna sa paghahanda ng Agency Procurement Request o APR.

Trabaho naman ni Galvez bilang vaccine czar na makipagnegosasyon sa mga kumpanya upang makuha ang pinakamagandang deal o kasunduan sa pagbili, delivery at suplay ng bakuna.

Susundan na ito ng pagbalangkas ng kontrata na isusumite sa DOF para sa pagsusuri at tiyaking nasusunod ang Food and Drug Administration at multilateral regulatory requirements.

Kapag naaprubahan na ang kontrata, isusumite na ito sa multilateral partners o fund manager para sa ibayo pang pag-aaral at validation.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.