Mga kaso ng tigdas sa bansa, tumaas noong Enero — DOH

TUMAAS ang bilang ng mga kaso ng tigdas o “measles” sa bansa noong Enero kumpara sa parehong panahon noong 2022.

Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH), tumaas ang bilang ng mga kaso ng 638 percent sa unang buwan ng 2023 kung saan naitala ang 59 kaso mula sa walong kaso lamang noong nakalipas na taon.

Ang Zamboanga ang nakapagtala ng pinakamataas ng kaso sa bansa na mayroong 13 habang tig-walong kaso naman ang naiulat sa Ilocos region at Central Luzon at pitong kaso naman sa Calabarzon.

Gayunman, binigyan diin ng DOH na ang mobility restrictions sa pagitan ng Enero 2023 at Enero 2022 ay magkaiba dahil mas mahigpit ang restrictions noong 2022 dahil sa COVID-19 Omicron variant kaya mas maliit ang posibilidad na magkaroon ng tigdas.

Ang huling outbreak ng tigdas ay nangyari noong 2018 hanggang 2019.

Nauna nang sinabi ng ahensya na ang bansa ay nananatiling vulnerable sa panibagong pagtaas ng mga kaso dahil ang outbreak ay karaniwang nangyayari tuwing apat hanggang limang taon.

Sa mga huling buwan ng 2022, nagsagawa ang DOH ng catch-up routine na pagbabakuna laban sa tigdas at iba pang sakit sa pag-asang maiwasan ang pagtaas ng mga impeksyon sa gitna ng pagluwag ng mga paghihigpit sa pandemya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.