Sarado sa motorista ang tatlong seksiyon ng national road sa Eastern Visayas region o Region 8 dahil sa pagbaha at landslide dulot ng bagyong Bising.
Sa ulat mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bureau of Maintenance, sinabi ni DPWH Secretary Mark Villar na ang mga apektadong section ay ang Wright-Taft-Borongan Road, Camp 5 Boundary – Jct. Taft sa Barangay Binaloan, Taft Town at Jct. Taft-Oras-San Policarpio-Arteche Road sa Barangay Bigo, Arteche Town na pawang nasa Eastern Samar, at ang Biliran-Naval Road, Catmon Bridge Detour, sa Barangay Catmon, Naval, Biliran.
Ang landslide-prone road sa Brgy. Binaloan, Taft ay pansamantalang isinara para sa kaligtasan ng mga motorista habang ang apektadong kalsada sa Barangay Bigo, Arteche at Barangay Catmon, Naval ay lubog pa sa baha.
Pansamantala, ang mga motorista ay maaaring dumaan sa alternatibong ruta mula Tacloban patungong Borongan at Taft-Arteche via Wright- Taft sa Jet. Buenavisda-Lawaan-Marabut Road at vice versa.
Habang ang mga sasakyan naman na mula sa Arteche patungong Jipapad at vice versa ay maaaring gumamit ng alternate route via Brgy. Imelda-Laping-Jipapad Road.
Naglagay na rin ng warning signs ang DPWH Quick Response Teams sa mga apektadong kalsada.

