Mga bawal gawin ng mga kandidato sa panahon ng kampanya, inilatag ng Malacañang

INILATAG na ng Malacañang ang ilang mga gawain na bawal gawin sa panahon ng kampanya para sa Eleksiyon 2022.

Ayon kay Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain ay ang pagpasok ng mga kandidato sa mga bahay sa kanilang pangangampanya.

Bawal din gawin ang pagkamay, pagyakap, paghalik, ang kapit bisig o anupamang uri ng physical contact.

Bawal din ang mga “selfie” o pagkuha ng larawan kung saan magkakalapit ang mga tao sa isa’t isa.

Ang pamimigay ng mga pagkain at inumin sa mga botante ay hindi rin pinapayagan, ayon kay Nograles.

Sinabi niya na ang pagbabawal sa mga gawaing nabanggit ay nakabatay sa mga panuntunan na inilabas ng Commission on Elections at ng Department of the Interior and Local Government.

Ayon pa kay Nograles, ang mga pagbabawal na ito ay magiging epektibo din kapag may gagawing mga caucus, pulong, convention, rally at miting de avance.

Magsisimula ang panahon ng kampanya sa Pebrero 8 para sa mga pambansang posisyon at Marso 25 naman para sa mga lokal na posisyon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.