Mga bagong kaso ng COVID-19, sumirit sa higit apat na libo

Sumirit sa mahigit apat na libo ang bagong kaso na naitala ngayong araw kaugnay pa rin sa COVID-19 sa bansa.

Sa  case update mula sa Department of Health (DOH), umabot sa 4,578 ang nadagdag na kaso o mga tinamaan ng sakit ngayong araw na maituturing na pinakamataas nang naitalang mga kaso sa nagdaang ilang buwan.

Dahil dito, ang kabuuang kaso ngayon sa bansa ay umakyat na sa 611,618.

Ang kabuuan naman ng mga gumaling sa nakamamatay na sakit ay 546,912 dahil sa karagdagang 272 recoveries.

Samantala, 87 naman ang bagong naitalang mga pumanaw dahilan para maging 12,694 na ang namamatay sa COVID-19.

Nasa 50,012 naman ang mga aktibong kaso pa na hanggang ngayon ay patuloy na ginagamot sa ibat-ibang COVID-19 quarantine facilities.

Sa pagtaas ng kaso ng sakit, muling nagpaalala ang DOH na ang patuloy at wastong pagsunod sa health protocols pa rin ang mabisang paraan para labanan ang pagkalat ng virus o variant nito sa bansa.

Lagi rin umanong alalahanin ang halaga ng wastong impormasyon  at para sa kaligtasan ng lahat, siguraduhing tama ang tinatangkilik  na impormasyon at maging responsable sa pagbabahagi nito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.