PINAPURIHAN kamakailan ni Manila Mayor Francisco Domagoso ang mga opisyal at linemen ng Meralco dahil sa pakikiisa nito na linisin at alisin ang mga sala-salabat na mga kable o yung kung tawagin ay “spagetti wires” na nagdudulot ng panganib.
Kasama ang mga opisyal ng Meralco, minarkahan at pinangunahan ang full-blast na implementasyon ng Executive Order No. 5 sa Binondo, Maynila noong Miyerkules, Hulyo 9.
Ang direktiba ng alkalde ay nag-uutos sa lahat ng kumpanya ng telecommunication, cable at power na tanggalin ang mga sala-salabat at inabandonang mga kawad upang mapabuti ang kaligtasan at kalinisan sa buong lungsod.
“The least we can do is to be grateful to Meralco na at least may nakikinig sa amin at may tumutugon sa panawagan at request ng taumbayan. Kahit papaano, may 2 million kilos of unnecessary and unutilized, unusable wires,” sabi ni Domagoso .
“Kapag nagtulong-tulong talaga ang private sector at gobyerno, inch by inch, meters by meters and before we know it, we’ve achieved several miles of making the city of Manila pleasant,” dagdag pa ng alkalde.
Sang-ayon si Meralco Vice President at Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga sa sentimyento ng alkalde at pinasalamatan ito sa pagsuporta sa inisyatiba.
“Gusto namin magpasalamat kay Yorme for supporting us in this endeavor. Malaking bagay kapag kakampi mo ang city hall as we have been saying in the past. Dito, kitang-kita namin ang taos-pusong suporta nila Yorme kaya todo-todo na itong pagkilos natin,” sabi ni Zaldarriaga.
Nag-anunsyo din si Domagoso ng bagong policy shift: epektibo kaagad, walang kumpanya o service provider ang maaaring magkabit ng mga linya sa mga poste ng Meralco sa loob ng Maynila nang walang express clearance mula sa Meralco mismo.

