PATUNG-patong na kaso ang isinampa nitong Biyernes, Abril 29, laban kay Mariveles Mayor Jocelyn Castaneda ng mga nagrereklamo na pawang mga residente ng Mariveles, Bataan at mga volunteer ng Partido Balikatan ng Bataan.
Ito ay kaugnay sa tatlong magkakahiwalay na insidente ng diumano’y trespassing, harassment at intimidasyon na nangyari noong Lunes, Abril 25, sa iba’t-ibang voting education centers ng partido sa barangay Sisiman at Ipag.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa alkalde ay ang 2 counts ng trespass to dwelling sa Brgy. Ipag at Camaya; robbery case (van incident); grave coercion, serious illegal detention, slander in relation to Cybercrime Law at ang dalawang election cases gaya ng paggamit ng government vehicle at hindi sapat o kulang na impormasyon sa pagfile ng statement on campaign expenditures o SOCE.
Karamihan sa mga ebidensiya sa mga kasong isinampa ay nasa mga Facebook live videos na siya mismo ang nagsasalita at nagpapaliwanag katulad ng sistema ng isang vlogger.
Kaugnay ng insidente sa Barangay Sisiman, nagsampa ng kasong grave coercion, serious illegal detention at dalawang counts ng slander laban kay Castañeda sina Clarenz Delos Reyes, 24 anyos; Rodelle James Manrique, 26 anyos; Alexandra Kathlyn Damo, 21 anyos; at Raquel Ramos, 30 anyos.
Damay din sa mga kasong isinampa ng apat na kabataan ang mga kasama ni Castañeda noong sila ay walang pasintabing pumasok sa voters education at membership accounting, at umano ay nanggulo habang nagsasagawa ang mga volunteers ng pag-iisyu ng ID cards para sa kanilang mga miyembro.
Sila ay kinilalang sina Kagawad Jorly Fortaleza ng Barangay San Isidro, Jo Cerna at ang driver-bodyguard ni Castañeda na si Cornelio Gutierrez.
Si Gutierrez, 53 anyos, ay matatandaang nahuli ng mga rumespondeng pulis dahil sa kanyang kasong illegal possession of firearms.
Samantala, nagsampa din ng mga kaso laban kay Castañeda ang ilang mga barangay captain ng Mariveles. Damay din sa mga kasong isinampa si Dheck Castañeda, asawa ni Mayor Castañeda at ilan sa kanyang mga supporter.
Bukod sa mga kasong ito, idinemanda rin ng isang Angelita Galang mula sa Townsite, Mariveles si Mayor Castañeda at hiniling na siya’y madiskwalipika sa kanyang pagtakbo bilang mayor sa halalang gaganapin sa Mayo 9 at matanggal sa kanyang kasalukuyang panunungkulan dahil sa kanyang paglabag sa Section 100 in relation to Section 262 at Section 68 ng Omnibus Election Code kaugnay ng kanyang “incomplete and untruthful filing of Statement of Contributions and Expenditures (SOCE)” noong 2019 local elections.
Matatandaang inamin ni Castañeda sa kanyang Facebook Live post kamakailan na tumanggap siya ng P2 milyong pisong campaign contribution mula kay Lilvir Roque noong 2019 subalit hindi niya ito idineklara sa kanyang SOCE.
Bukod dito ay nagdeklara siya ng P180,000 na expenditures sa parehong eleksyon na labis naman sa pinahihintulutang halaga ng gastos ayon sa dami ng botante sa kanyang nasasakupan na nakasaad sa Commission on Elections (Comelec) guidelines.
Sinabi ni Atty. Roderick Villostas, abogado ni Galang, “Mayor Castañeda filed an incomplete and untruthful SOCE for her campaign during the 2019 elections for which she should be held liable, and exceeding the authorized expenses of candidates is both an election offense and a ground for disqualification.”
Sinubukang ng media na kunin ang panig ng kampo ni Mayor Castañeda subalit wala pa itong opisyal na pahayag ukol dito.