UPANG mas mapabuti pa ang serbisyo ng mga district hospital ng lungsod ng Maynila, bumili ang pamahalaang lungsod ng 60 high-tech electric beds at iba pang medical supplies.
Mismong si Manila Mayor Francisco Domagoso ang tumanggap nito bukod pa sa biniling 72 Ambu Bags, 72 piraso ng Blood Pressure Apparatus, 43 Glucometers, 18 Ophthalmoscopes, 31 Stretcher beds, 79 Suction Machines, at 59 Tabletop Pulse Oximeters.
Sinabi ni Mayor Domagoso na pawang mga fully electric main controls at foot-end control panels ang mga kama.
“The very least we can do para sa ating mga health care workers ay bigyan sila ng maayos na mga gamit,” ani Domagoso.
Ayon sa alkalde, binili ang mga nasabing medical supplies bilang paghahanda sakaling may mga pasyenteng kritikal na tutugunan sa anim na pampublikong ospital sa Maynila.
“Gusto natin maging laging handa. Hindi lang ito dahil sa COVID-19 kundi para rin sa ibang mga pasyente na kailangan alagaan sa ICU setting,” ani Domagoso.
“Nasa gitna pa rin tayo ng COVID-19 pandemic, pero huwag sana nating kalimutan na may iba pang mga sakit na dapat nating tugunan. Kaya kailangan talaga ay maging mas episyente ang takbo ng ating mga ospital. To achieve this, having the right equipment is key,” ayon pa sa alkalde.