Matandang babae, todas sa motorsiklo

crime scene do not cross

NAMATAY ang isang hindi pa nakikilalang matandang babae matapos itong mabundol ng motorsiklo habang tumatawid sa isang kalsada sa Caloocan City kahapon ng umaga.

Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktima na tinatayang nasa 60-70 ang edad at 5’4″ ang taas.

Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang driver ng motorsiklo na si Neil Patrick Marquez, 32 anyos, estudyante at residente ng Phase 3C Block 14H, Brgy. 16.

Sa nakarating na report kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-7:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa C3 Road at C. Cordero St. ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat, tinatahak ni Marquez lulan ng kanyang motorsiklo ang kahabaan ng C3 Road patungong Rizal Avenue Extension at pagsapit sa naturang lugar ay nasalpok nito ang biktima na tumatawid sa lugar.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ng ilang metro ang biktima na mabilis na isinugod ng rumespondeng rescue ambulance sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin umabot ng buhay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.