Manilenyo, magdoble-ingat sa mga bagong COVID-19 variant- Isko

Share this information:

Pinayuhan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang publiko na magdoble-ingat sa mga bagong variant ng COVID-19.

Ang panawagan ng alkalde sa mga Manilenyo ay kasunod ng emergency meeting ng  Department of Health (DOH) kasama ang local government units (LGUs) ng Metro Manila at mga punong-lungsod nito para talakayin ang posibleng epekto ng mga bagong variant at upang matukoy din ang mga dapat pang gawin sa COVID-19 response.

Kabilang sa mga pinag-usapan ay kung paano mapipigilan o makokontrol ang transmission ng mga bagong variant ng COVID-19 sa tulong ng mga LGU.

Isa pa sa tinalakay ay ang lalong paghihigpit sa pagpapatupad ng minimum health protocols sa lahat ng mga lugar na nasasakupan ng bawat LGU, gaya ng mga pampublikong lugar tulad ng mga palengke.

Payo ng pamahalaang lungsod sa mga residente, laging sumunod sa health at safety protocols at maging mapagmatyag at huwag din maging kampante kahit pa nagsimula na ang vaccine roll out dahil may COVID-19 pa, lalo na’t may bagong variant tulad ng UK variant at ang South African variant.

Sa tala ng DOH, nasa anim na ang kaso ng South African variant sa bansa, kung saan karamihan ay naitala sa Pasay City.

Ang mga kaso naman ng UK variant sa bansa ay nasa 30 na. Nabanggit din ng OCTA Research na ang presensya ng dalawang variants ay maaaring dahilan ng pag-akyat o “spike” ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.