DINAGSA ng mga tao ang ilang mga vaccinations sites partikular sa mga malls sa Maynila dahil sa pagbabakasali na mabakunahan bago ipatupad ang enhanced community quarantine bukas, Agosto 6, 2021.
Karamihan kasi ay alas 7 kagabi pa pumila upang umabot sa slot ng bakuna.
Sa SM Manila, dismayado ang ilang nakapila dahil inabot sila ng magdamag sa pila pero hindi rin sila nakapasok dahil umano sa anunsyo ng “cut off” na ang pila.
Ang pila sa SM Manila ay umabot na hanggang Carlos Palanca sa Quiapo, Maynila.
Bagama’t may mga nakabantay namang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) ay hindi na rin naiwasan na magkumpol-kumpol ang mga tao sa kalsada dahil sa pagnanais na makaabot sa slot at mabakunahan ng first dose.
Ang sentimyento naman ng ilan ay may nangyaring singitan. Ang iba ay hindi na pumasok sa trabaho.
Ayon kay Aling Sally, tindera sa Altura Market, alas 9 pa siya ng gabi pumila samantalang ang mga galing aniya sa San Lazaro na pumila ay pinapasok ngayong umaga matapos kanselahin ang bakunahan sa nasabing mall.
Gayundin sa SM San Lazaro, kinansela na ang pagbabakuna ngayong araw dahil dinumog din ng tao.
Mismong ang pamunuan ng SM San Lazaro ang nagbaba ng abiso para na rin sa kaligtasan ng lahat at hindi magkaroon ng pagkahawa-hawa sa mga pumipila.
Kabilang sa mga mall kung saan magkakaroon ng bakunahan ay ang Lucky Chinatown at Robinsons Place Manila.
Ang naturang mga mall ay nilaanan ng pamahalaang lungsod ng tig 2,500 doses mg bakuna para sa A1 hanggang A5 na priority list.
(PHOTO CREDIT: pna.gov.ph)

