NASABAT ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang nasa P816-milyong halaga ng ilegal na droga sa Calapan Port, Oriental Mindoro.
Kasabay nito ay inaresto din ng mga awtoridad ang isang 43-anyos na lalaki na itinuturing na regional priority target at high-value individual.
Ayon sa PCG, sakay ng MV Santa Editha ang suspek nang ikasa ang operasyon kung saan nagsagawa ng random paneling at inspeksyon sa lahat ng rolling cargoes na lulan ng nasabing barko.
Isang kulay puti na Toyota Camry ang pinatigil ng mga awtoridad at idinaan ito sa paneling ng CG9 team gamit ang CG Working Dog Queenly. Nakitaan ng positibong indikasyon na may presensya ng ilegal na droga sa likurang bahagi ng sasakyan.
Kaagad namang ipinagbigay alam pangyayari sa PDEA-Mimaropa para sa kaukulang assessment.
Tinangka pa ng suspek na tumakas ngunit agad din itong nasukol ng mga ahente ng PDEA at PCG.
Sa pagsusuri, lumabas na ang chemical substance na nakuha sa suspek ay hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride o mas kilala sa tawag na “shabu.”
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Section 5 (Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution and Transportation of Dangerous Drugs and/or controlled precursors and Essential Chemical) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) Under Article II: Unlawful Acts and Penalties of Republic Act No. 9165.
Ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga, kasama ang mga ebidensya, ay isinailalim na sa kustodiya ng PDEA-Mimaropa para sa safekeeping at gagamitin sa court proceedings.

