Mahigit 493 pamilya apektado, P70-M pinsala sa agrikultura sa Bataan

UMABOT na sa 1,320 katao o 493 pamilya ang naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan at mga pagbaha sa buong lalawigan ng Bataan nitong Huwebes.

Ang mga pamilyang nabanggit ay dinala na sa mga evacuations centers habang nasa 578 naman ang mga nasa labas (served outside evacuation centers) ng kabuuang 39 evacuation centers sa buong lalawigan ng Bataan.

Pinakamaraming naitalang apektado sa Balanga City na umabot sa 571 katao o 107 pamilya na nailikas sa siyam na evacuation areas kagaya ng mga paaralan, covered court at senior citizens’ hall.

Samantala, naitala naman sa P70,528,578.11 ang kabuuang pinsala sa agrikuktura. Sa naturang halaga, mahigit P1.4 milyon ang nasira sa high-value crops, mahigit P31.6 milyon sa palayan, mahigit P575 libo naman sa mais at P36,879,009 ang pinsala sa fisheries o pangisdaan.

Dahil sa masamang panahon na dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulang dala ng habagat ay sinuspinde ng provincial government ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan maging ito ay modular, blended o online.

Samantala, sinuspinde rin ang pasok sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa buong lalawigan maliban sa mga disaster-response agencies.

Ipinaubaya naman ni Bataan Governor Albert Garcia ang pagpapasya sa mga pribadong kumpanya ang pagsuspinde ng pasok ng kanilang mga empleyado.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.