Mahigit 4,000 guro apektado ng pagsasara ng ilang private schools – ayon sa DepEd

Share this information:

TINATAYANG 4,488 na mga guro ang naapektuhan ng hindi pagbubukas ng may 865 na pribadong eskuwelahan ngayong school year dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Education Undersecretary Jess Mateo na ang mga apektadong guro at iba pang private school personnel ay makatatanggap ng ayuda sa ilalim ng Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.

Karamihan aniya sa mga suspendido ang operasyon ay mga eskuwelahan sa elementarya.

“As of today po, there are about 865 private schools  na nagsarado. Majority of which are pure elementary schools,” pahayag ni Mateo.

“Marami pong teachers na naapektuhan. This is about 4,488 teachers po ang naapektuhan sa pagsasarado ng private schools,” dagdag nito.

Sa ngayon ay umaabot na sa 98.85 percent ang total enrollment sa public schools habang 48.32 percent sa mga private school.

Sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang sektor ng pribadong edukasyon ang pinaka-naapektuhan sa pandemya dahil nakasalalay ang kanilang operasyon sa makokolektang tuition fees at iba pang bayarin ng mga estudyante.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.