Breaking News

Share this information:

KALABOSO ang bagsak ng isang mag-live-in partner matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyon halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City Biyernes ng umaga.

Kinilala ni PLt. Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police, ang naarestong mga suspek na sina Jefferson Borbe alyas “Asyong,” 36 anyos, at kanyang live-in partner na si Annei Imperial, 36 anyos, kapwa ng Blk 7 Lot 7 Silver 8 Homes, Llano Rd., Caloocan City.

Sa report ni SDEU investigator PSSgt. Ana Liza Antonio kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr., dakong alas-6 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLt. Madregalejo ng buy-bust operation sa Santolan Service Road, Brgy. Gen T. De Leon.

Nagawang makipagtransaksyon ni PCpl. Franciz Cuaresma na nagpanggap na buyer sa mga suspek ng P8,000 halaga ng droga.

Matapos matanggap ang pre-arranged signal mula kay PCpl. Cuaresma na hudyat na nakabili na siya ng droga sa mga suspek ay agad lumapit ang back-up na sina PSSgt. Gabby Migano at PCpl. Ed Shalom Abiertas saka inaresto ang mag-live-in partner.

Nasamsam sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 55 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P374,000, buy-bust money na isang tunay na P500 bill, pitong pirasong P1,000 at isang P500 boodle money, cellphone, purse at isang motorsiklo.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: