Mag-iina, nailigtas sa hostage taking sa Tondo

MATAGUMPAY na nailigtas ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tatlong mag-iina matapos ang dalawang oras na “hostage taking” sa Tondo, Maynila Biyernes ng gabi.

Kusa namang sumuko ang hostage taker at suspek na si Elmer Cañas Venisin, 31 anyos, ng Blk 49, Lot 3  Longos, Malabon City.

Ang biktimang mag-iina ay nakilalang sina Nizel Labial, 36 anyos at anak nitong babae na 12 taong gulang at tatlong taong gulang na batang lalaki.

Sa panayam kay MPD Director Brig. General Andre Dizon, kasalukuyan itong nasa Quiapo kasama ang motorcycle patrol nang mabalitaan ang nangyari kaya agad itong napasugod sa lugar.

“Napag-alaman natin na yung hostage taker ay humahangos at umakyat sa second floor, nakita niya na maraming lalaki kaya hindi siya tumuloy pumasok at umakyat uli siya sa third floor. Doon niya nakita yung mag-iina at ginawa na nga niya yung hostage,” pahayag ni Dizon.

Ang mga kapitbahay umano ng mga biktima ang siyang humingi ng saklolo sa kinauukalan nang makita ang isang hindi kilalang lalaki na pumasok sa tinutuluyan ng mag-iina at nang-hostage gamit ang isang kitchen knife.

Ayon kay Dizon, ipinagkatiwala niya kay PMaj. Rosalino Ibay Jr., na siyang hepe ng MPD-Station 1 na nakakasakop sa lugar, ang pakikipag-negosasyon sa suspek habang sila ng SWAT team at iba pang tauhan ng Station 1 ay naka-secure sa lugar.

Sinabi naman ni Ibay na humingi ito ng clearance kay Dizon upang magsibilyan para mas malapitan ang suspek dahil takot ito sa mga pulis kaya hindi masyadong nahirapan sa pakikipag-negosasyon.

Aniya, hiniling din ng suspek ang kanyang kapatid bilang kapalit ng mga biktima kaya agad nitong tinawagan at nang dumating at makuha ang tiwala ng suspek ay kusa naman itong sumuko kay Ibay at kay Dizon.

Nagpasalamat naman si Dizon at Ibay dahil walang nasaktan sa mga biktima kung saan natapos ang hostage taking alas 7:50 ng gabi.

Patong-patong na kaso naman ang maaaring kaharapin ng suspek  na nakakulong ngayong sa Raxabago detention cell dahil sa kanyang pangho-hostage.

Ayon kay Ibay, aalamin pa kung lango sa alak at ilegal na droga ang suspek bagamat aminado ito na paminsan-minsan ay gumagamit.

Samantala, nangako naman ni Dist. 1 Rep. Ernesto Dionisio, Jr. na tutulungan at susuportahan ang mag-iina kung ano ang kanilang pangangailangan lalo na ang mga bata na na-trauma sa pangyayari.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.