NAGHAIN ng large-scale estafa complaint ang isang negosyante sa Cebu sa Department of Justice (DOJ) laban sa isang mag-asawa sa Ormoc.
Sa isang press conference, sinabi ni Atty. Estrella Elamparo, legal counsel ng complainant na si Michelle Lim-Go-Chu na ang kasong estafa ay isinampa laban sa mag-asawang Lorenzo at Jerlyn Baltonado, may-ari ng L.M. Baltonado Construction, Inc. (LMBC), isang business contractor na nakabase sa Ormoc City na hawak ang karamihang proyekto ng gobyerno.
Umaapela ang kampo ng complainant sa DOJ na bigyang-pansin ang kaso upang ihiwalay ito sa lokal na pulitika at media at igalang at itaguyod ang kanyang karapatan sa angkop na proseso.
“Our client is thus praying that she be afforded her constitutional right and be allowed to initiate the subject criminal cases before the Honorable Office,” sabi ni Elamparo.
Sa kanyang complaint-affidavit, sinabi ni Go-Chu na nag-ugat ang kaso sa mga serye ng pautang o loans na kanyang ipinahiram sa mga Baltonado simula 2016 para tulungan sila na magkaroon ng karagdagang kapital na sa sobrang pagtitiwala at kumpiyansa, pumayag si Go-Chu na hindi na dumaan sa written loam agreement sa tuwing magpapautang sa mag-asawa.
“My client Michelle Go-Chu would issue the Baltonados checks to help them finance their projects. The agreement was they would pay her back within a short term and this went on without a problem until late 2021 to early 22 when the Baltonados defaulted on their payments and reassurances,” dagdag pa ni Atty. Elamparo.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Go-Chu na hayagang sinabi niya sa mga Baltonado na hindi pinapayagan ang kanyang mga tseke na gamitin para sa mga third party. Tiniyak din ni Go-Chu na isulat ang LBMC/ Lorenzo Baltonado bilang nagbabayad sa mga tseke na inisyu niya maliban sa ilang pagkakataon.
Gayunman, lingid sa kaalaman at pahintulot ni Go-Chu, ginamit ng mga Baltonado ang kanyang mabuting pangalan at ang mga tseke na inilabas niya bilang isang paraan ng katiyakan upang makakuha ng mga pautang mula sa ibang mga nagpapautang tulad ni Kaiser Christopher Tan, at iba pa.
Nang malaman ang pamamaraang ito, hinarap ni Go-Chu ang mag-asawang Baltonado at kinansela ang mga tsekeng inilabas niya, kasama na ang mga na-endorso kay Tan, at agad na nagbigay ng Stop Payment Order (SPO) sa mga bangko.
Kaya nang tangkain ni Tan na i-encash ang mga tseke na iniendorso sa kanila ng mag-asawang Baltonado, hindi ito tinanggap ng bangko.
“Go-Chu cannot be held guilty of the crime of estafa previously filed by Tan because the two checks were not honored by virtue of the SPO and not because they were insufficiently funded,” ayon sa abogado.
Napag-alaman na ilang kaso ang isinampa ni Tan laban kay Go-Chu at pawang mga ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng merito.