ISANG luxury car na idineklara bilang “used automobile parts” ang nasabat sa isinagawang joint physical examination sa Davao CIty.
Ang joint team ay binubuo ng mga operatiba ng Bureau of Customs, Port of Davao, sa pakikipag-tulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency Region XI (PDEA – XI), Seaport Interdiction Unit, at Davao City Police Office (DCPO),
Ang pagakkatuklas sa smuggled luxury vehicle ay nag-ugat mula sa intelligence report na natanggap mula sa Philippine National Police (PNP) – Sasa Police Station.
Sa pagbubukas ng container, nakita ang iba’t-ibang mga gamit na piyesa ng sasakyan. Gayunpaman, ang nasabing mga piyesa ng sasakyan ay ginamit upang itago ang Isang white Porsche 911 GT3 RS.
Bukod dito, ang nasabing shipment ay ininspeksyon din ng mga elemento ng PDEA Region XI para sa posibleng pagpuslit ng droga sa nasabing sasakyan. Ang isang masusing pisikal na pagsusuri ay nagbunga ng negatibo sa mga ilegal na sangkap.
Agad namang naglabas ng alert order laban sa kargamento si District Collector Atty. Erastus Sandino Austria, CESO V, sa pamamagitan ng intelligence information na ibinigay ng PNP-Sasa.
Base sa shipping document, ang kargamento ay galing ng Japan noong Agosto 31, 2022 at naka-consigned sa JJCTD Import and Export Trading Corp.
Tinatayang aabot sa P15,308,486.14 ang halaga ng nasabing luxury vehicle.
Isang Warrant of Seizure and Detention ang inilabas laban sa shipment dahil sa paglabag sa Section 1400 tungkol sa Section 1113 ng R.A. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).