LTO, puspusan ang ginagawang pagresolba sa isyu ng singil ng mga driving school

PUSPUSAN na ang ginagawang mga hakbang ng Land Transportation Office (LTO) para maresolba ang problema ng mga kumukuha ng kanilang driver’s license, partikular ang singil sa mga driving school.

Sa pahayag ni LTO Chief Asec. Jay Art Tugade sa pagdalo nito sa Balitaan sa Tinapayan, nakumpleto na ng binuo niyang komite ang pagrereview sa mga panuntunan ng ahensya kaugnay sa accreditation ng mga driving school.

Sinabi ni Tugade na magkakaroon na lamang sila ng Consultative Meeting para ilatag ng LTO ang mga rekomendasyon sa isyu ng pagsasailalim sa driving school ng mga indibidwal na nais kumuha ng lisensiya.

Nabatid na una ng inirerekalmo ang mataas na singil sa pagkuha ng lisensiya kung saan umaabot ng mula P15,000 hanggang P18,000 ang magagastos.

Dagdag pa ni Tugade, sakaling magkasundo ang LTO at stakeholders magkakaroon na ng standard na fees na sinisingil ng mga driving schools sa bansa.

Matatandaan na isang technical working group (TWG) ang pinabuo ni Tugade nang maupo ito sa tungkulin noong Nobyembre upang muling mapag-aralan ang mga panuntunan hinggil sa operasyon at sinisingil ng mga driving school kasama na ang medical clinic.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.