KULUNGAN ang bagsak ng isang 75-anyos na lolo matapos paghihipuan sa maseselang parte ng katawan ang dalawang 15-anyos na dalagitang estudyante at kinuhanan pa ng hubo’t-hubad na larawan ang isa sa Malabon City.
Sa ulat na tinanggap ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nangyari ang insidente sa loob mismo ng bahay ng biyudong si Serafin Domingo, sa Sto. Rosario Village, Brgy. Baritan nito lamang araw ng Lunes, Nobyembre 22, 2021 matapos magtungo doon ang dalawang biktima makaraan silang imbitahan ng suspek.
Nakilala ng mga biktima ang suspek kamakailan lamang sa pamamagitan ng isa ring kaibigan at mula noon ay nagpalitan na sila ng mensahe sa social media hanggang imbitahan ni Domingo ang dalawang dalagita.
Sa ibinahaging impormasyon ni P/MSgt. Gerardo Bautista ng Malabon Police Sub-Station 7, una umanong hinipuan ng suspek ang Grade 5 na estudyante na itinago sa alyas “Lorie” dakong alas-2 ng hapon at nagawa pang makuhanan ng larawan sa kanyang cellular phone ng walang saplot sa katawan ang biktima.
Alas-3 naman ng hapon noong araw ding iyon nang ang Grade 7 na dalagitang itinago sa alyas “Dianne” naman ang pinaghihipuan sa katawan ni lolo.
Nagbalik lamang sa katinuan ang dalawang biktima nang makaalis na sila sa bahay ng biyudo kaya’t kaagad nilang isinumbong sa kani-kanilang magulang ang nangyaring insidente na nagsama sa kanila sa pulisya upang maghain ng reklamo.
Martes nang planuhin ng pinagsanib na puwersa ng Station Intelligence Section (SIS) at Sub-Station 7 sa pamumuno ni P/Maj. Patrick Alvarado ang pagdakip sa suspek sa pamamagitan ng paggamit sa dalawang dalagitang biktima na unang pinapunta sa bahay ni Domingo upang alamin kung naroon ang matanda habang nakamasid sa kanila ang dalawang naka-civilian na pulis.
Nang sumensyas ang mga biktima bilang hudyat na naroon ang suspek, kaagad na sumalakay ang mga pulis na nagresulta sa pagkakadakip kay Domingo at nakuha rin sa kanya ang mobile phone na may larawan ng hubo’t-hubad na katawan ng biktima.
Dalawang bilang na kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A. 7610 o Special Protection Against Child Abuse at paglabag sa Anti-Pornography Act ang isinampang kaso ng pulisya laban sa suspek sa piskalya ng Malabon.