Pinirmahan na ni Mayor Toby Tiangco ang Executive Order No. TMT-019 na nagpapalawig hanggang March 9, 2021 ang lockdown sa Navotas City Hall.
Kabilang sa naka-lockdown ang Navotas City Hall Annex (kasama ang NavoServe) at Franchising Permits Processing Unit.
Sinabi ni Mayor Tiangco na sa isinagawang mass testing ng mga kawani ng city hall, napag-alaman na may nadagdag na 63 tao na nagpositibo sa COVID-19.
“Para mapangalagaan ang kapakanan ng bawat empleyado at mga mamamayang pumupunta sa city hall, kinailangan pong habaan pa ang ating lockdown. Kung may urgent concerns man po sa alinmang tanggapan ng pamahalaang lungsod, maaari po kayong mag-email sa [email protected],” ani alkalde.
“Manatili po tayong mag-ingat dahil hindi po natin nakikita ang virus. Kahit hindi man natin iindahin ang COVID-19, maaaring ang mga kasama natin sa bahay na mahihina ang katawan ang lubhang maapektuhan o mamamatay. Huwag po tayong kampante at magtulungan tayo para mapigil ang paglala ng hawaan sa ating lungsod,” paalala ni Mayor Tiangco.
Unang isinailalim sa lockdown ang Navotas City Hall noong 23 Pebrero, 8:01 pm, hanggang noong Linggo, 28 Pebrero, 11:59 pm matapos may 24 na kawani nito ang nagpositibo sa COVID-19.
Nitong Pebrero 28, pumalo na sa 6,086 ang tinamaan ng naturang sakit sa lungsod, 311 dito ang active cases, 5,582 ang mga gumaling at 193 ang binawian ng buhay.