Limang pasyente ng COVID-19 ang namamatay sa PGH kada araw

Share this information:

LIMANG pasyente na may COVID-19 ang average na namamatay kada araw sa Philippine General Hospital (PGH) nitong nakalipas na tatlong linggo.

Ito ang inihayag ni Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, at aniya ay may pagkakataon na umabot pa ng pito hanggang sampu ang nasasawi sa kanilang mga pasyente na may COVID-19.

May ilan din aniya na ang mga isinusugod sa kanila sa emergency room ay halos dead on arrival na rin o malubhang nakaratay sa intensive care unit (ICU).

Sa ngayon, sinabi ni Del Rosario na halos full capacity na ang ospital o nasa 220 mula sa 250 hospital beds nito o 90-porsyento ng bed capacity ay okupado na.

Ayon pa kay Del Rosario, wala na ring bakante sa tatlumpung kama sa kanilang ICU habang lagi ring okupado ang 25 COVID-19 bed sa emergency room.

Karaniwan aniyang isinusugod sa emergency room ang mga severe hanggang very critical cases pero hindi agad naipapasok sa punuan nang ICU at naghihintay na may mabakante.

Samantala, nabatid kay Del Rosario na marami nang healthcare workers sa PGH ang nagbalik-trabaho matapos na gumaling sa COVID-19 at nakatapos na ng 14-day quarantine.

Sinabi ni Del Rosario na binago at hinigpitan pa nila ang health protocols at nakatulong ito upang bumaba ang antas ng hawaan ng impeksyon sa ospital.

Patungkol naman sa epekto ng dalawang linggong enhanced community quarantine, aminado si Del Rosario na bahagyang nakatulong ang lockdown para mabawasan ang hawaan at dagsa ng mga pasyente ng COVID-19.

Mula aniya sa average nuon na hanggang 240 na pasyente kada araw na dinadala sa PGH kaya’t napupuno na sila sa 250 bed capacity ay nasa 200 hanggang 220 na lamang ito ngayon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.