Lider ng gun-for-hire group, nilikida sa Laguna

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na ngayon ay isang leader ng gun-for-hire syndicate sa Binan City, Laguna.

Batay sa report kay Laguna Provincial Police Office (LPPO) Information Officer Police Lt. Col. Chitadel Gaorian, nakilala ang biktima na si Lope Espejo Jr., 52,  habang sugatan naman ang kasamahan nito na si Randy Avila.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Binan City Police, dakong alas 8:45 ng gabi ng Linggo nang pagbabarilin sina Espejo sa harap ng Mena’s Golden Paint Center sa Barangay Canlalay.

Matapos ang insidente ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin patungo sa bahagi ng San Pedro City.

Nabatid sa pulisya na si Espejo ay dating kasapi ng rebeldeng NPA at nagbalik loob sa gobyerno subalit hindi nagtagal ay bumuo ito ng kanyang sariling pangkat ng gun-for-hire at tumayo bilang leader.

Napag-alaman din na si Espejo ay itinuturong protektor ng ilegal na droga sa nasabing lugar at sangkot ang grupo nito sa pangingikil sa mga tindahan sa Binan Public Market.

Bukod sa mga nabanggit, isinasangkot din si Espejo at grupo nito sa ilang serye ng holdapan sa unang distrito sa lalawigan ng Laguna.

Inaalam pa sa imbestigasyon kung ang dating mga kasamahan ni Espejo sa kilusan ang nasa likod ng paglikida sa kanya.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.