CAMP GEN. NAKAR, LUCENA CITY-Naaresto ang dalawa umanong mataas na lider ng komunistang grupo ng New Peoples Army matapos ihain ang warrant of arrest sa kasong kidnapping nitong nakaraang Disyembre 26 sa Atimonan, Quezon.
Sa ulat ni Quezon Provincial Director Pol. Col. Audie Madrideo kay Calabarzon Regional Director Police Brig. Gen. Felipe Natividad, nakilala sina Ruel Custodio alyas Baste, 34 anyos, may asawa at residente ng Calamba City ,Laguna, at Ruben Istokado alyas Oyo o Miles, 38 anyos, may asawa at residente ng Brgy. Paradijon, Gubat, Sorsogon.
Nagsagawa ng Oplan Manhunt Charlie ang pinagsamang mga operatiba ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa Brgy. Zone 3 Poblacion, Atimonan Quezon nitong Disyembre 26 bandang alas 3:30 ng hapon.
Narekober kay Custodio ang isang granada, isang Bersa Cal.380 na may magazine at mga bala, habang nakuhanan si Istokado ng isang Cal. 45 pistol, isang granada, isang Jericho Cal. 9mm pistol, magazine at mga bala.
Si Custodio ang tumatayong kolektor ng ‘revolutionary taxes sa probinsiya ng Quezon at may nakabinbing kaso ng kidnapping mula pa noong Hulyo 17, 2019 at Illegal Possession of Firearms noong Nobyembre 27, 2019 din.
Tumatayong political instructor naman si Istokado na siyang nagrerecruit umano ng mga magiging miyembro ng New Peoples Army o NPA. Mayroong nakabinbing itong kaso ng Double Murder at Multiple Murder noong Setyembre 4, 2014.
Sa ngayon ay nakapiit na sa Atimonan Municipal Police Station ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9516 (Illegal Possession of Firearms) at RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions).