PATAY ang lider ng manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos itong pagbabarilin sa Barangay Majada Out, Calamba City, Laguna gabi ng Linggo.
Walong tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ng biktima na nakilalang si Dandy Miguel, 35 anyos, Vice-Chairman ng Pagkakaisa ng Manggagawa sa Timog Katagalugan-Kilusan Mayo Uno(Pamantik-KMU).
Si Miguel ay pangulo din ng Lakas ng Nagkakaisang Manggagawa ng Fuji Electric Philippines sa lalawigan ng Laguna.
Ayon sa kanyang misis na hindi na pinangalanan,pauwi ng bahay ang biktima sakay ng motorsiklo bandang alas 8:30 ng gabi sa Barangay Canlubang ng pagbabarilin ng ilang armadong kalalakihan.
Matatandaan na noong nakaraang Marso 7 ,araw din ng Linggo ng magkaroon ng simultaneous raid ang kapulisan na tinawag na “Bloody Sunday” dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga aktibista sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon kung saan siyam ang namatay.
Mariin namang kinondena ng KMU ang pagkamatay ni Miguel habang patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.

