Lalaking wanted sa kasong rape sa Malabon, arestado

ARESTADO ang isang 26-anyos na construction worker na nakipagrelasyon sa isang 13-anyos na dalagita matapos magsampa ang mga magulang ng minor ng kasong rape at child abuse kontra sa kanya sa Malabon City.

Nagsimula ang relasyon ni Redentor Rodaste at 13-anyos nitong girlfriend Enero noong nakaraang taon at nagtapos makaraan ang halos anim na buwan matapos malaman ng mga magulang ng dalagita na may nangyari sa kanila.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, kasong rape at paglabag sa R.A. 7610 o Child Abuse Law ang isinampa ng mga magulang ng dalagita kontra kay Rodaste sa Malabon City Prosecutor’s Office, subalit nadismis ang child abuse.

Noong Agosto 2, 2021, nakakuha si P/CMSgt. Gilbert Bansil ng Malabon Police Warrant and Subpoena Section (WSS) ng kopya ng warrant of arrest para sa kasong rape kontra kay Rodaste na inisyu noong July 29, 2021 ni Malabon RTC Judge Rhoda Magdalene Mapile-Osinada ng Branch 289 na walang inirekomendang piyansa na naging dahilan upang ipag-utos ni Col. Barot ang manhunt operation laban sa akusado.

Ani P/SMSgt. Addrich Reagan De Leon, nakatanggap ng tip mula sa kanilang informant si P/Lt. Zoilo Arquillo ng Station Intelligence Section (SIS) na nagbalik si Rodaste sa kanilang bahay sa Gulayan St., Brgy. Catmon.

Kaagad nagsagawa ng joint operation ang pinagsanib na puwersa ng WSS, SIS at Regional Mobile Force Battalion-National Capital Region Police Office (RMFB-NCRPO) sa pangunguna ni P/Capt. Ronilo Aquino sa naturang lugar dakong alas-9 ng gabi at isinilbi ang warrant of arrest kontra kay Rodaste.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.