Lalaking nambiktima sa 20 babae ng P15M, arestado ng NBI

Arestado ng mga operatiba ng National Bureau of Invstigation (NBI) Cybercrime Division ang isang indibidwal sa Mandaluyong City dahil sa umano’y panloloko at pagtangay ng halos P15 milyon sa halos 20 babae.

Kinilala ang suspek na si Jeremiah Jaime Vergara na naaresto sa ginawang entrapment operation ng mga operatiba ng NBI sa isang restaurant nitong Miyerkules (January 24). Nakumpiska sa suspek ang isang bag na may lamang ilang bank passbooks, passport, at tatlong sachet ng hinihinalang cocaine.

Ayon sa NBI, gamit ng suspek ang ala-“Tinder-swindler” modus upang makahanap ng mabibiktimang babae online na may edad 30 hanggang 40 taong gulang.

Sinabi ni NBI Cybercrime Division chief Atty. Jeremy Lotoc, ang suspek ay madalas na nakikipag-engage sa dating app. Dito ay nang-aakit at pinapa-ibig ang kanyang mga biktima, at mag-aalok ng negosyo sa pamamagitan ng investment.

Dagdag ni Lotoc na kapag nakakuha na ng pera ang suspek sa kanyang biktima ay maglalaro ito sa isang casino. Kapag siya ay natalo ay hindi na ito magpapakita o magpaparamdam sa kanyang biktima.

Itinanggi naman ni Vergara na kanya ang illegal na droga na natagpuan sa kanyang gamit.

Sa akusasyon na pinapa-ibig niya ang mga babae para makumbinsi silang mag-invest ng pera at iiwan pagkatapos ay sinagot lamang niya ito ng ‘no comment.’

Mahaharap si Vergara sa kasong estafa at possession of dangerous drugs (Section 11) sa ilalim ng R.A. 9165 (Dangerous Drugs Act).

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.