BAGSAK sa kulungan ang isang lalaki matapos nitong tutukan ng patalim at i-hostage ang isang 12-anyos na batang lalaki sa Caloocan City Biyernes ng gabi.
Sa ulat ni Col. Samuel Mina, hepe ng Caloocan City police kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-7:15 ng gabi nang makatanggap sila ng tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na hostage taking sa kahabaan ng C3 Road, Brgy. 14.
Mabilis na rumesponde sa naturang lugar ang mga pulis sa pangunguna ni P Lt. Col. Illustre Mendoza, kasama ang Tactical Motorcycle Riders Unit/Special Weapons and Tactics (TMRU/SWAT) kung saan si PMaj. Dennis Odtujan ng Caloocan police SS4 ang tumayong negosyador.
Habang nagaganap ang negosasyon ay isang tauhan ng TMRU/ SWAT ang mabilis nakapagtago sa isang poste sa likod ng suspek at ng biktima.
Nang makakuha ng pagkakataon, sinunggaban ng pulis ang suspek hanggang sa maagaw nito ang hawak na patalim ng lalaki na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya at matagumpay na pagkakaligtas sa biktima.
Kaugnay nito, pinuri ng NPD Director ang Caloocan police sa pamumuno ni Col. Mina dahil sa mabilis na aksyon nito at ng kanyang mga tauhan sa insidente na nagresulta sa pagkakasagip sa biktima.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo ng suspek sa ginawang pang hohostage na tumagal ng halos isang oras.

