ARESTADO ang isang lalaki matapos makuhanan ng baril at shabu sa isinilbing search warrant sa bahay nito sa Malabon city.
Kinilala ni Malabon Police chief Col. Angela Rejano ang naarestong suspek na si Jenaro Cuarteron, 24 , residente ng Number 30 D. A. Bonifacio St., Barangay Tugatog.
Sa ulat, dakong 10:20 ng umaga nang isilbi ng mga tauhan ng Sub-Station 2 sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Rejano ang isang search warrant No. SW 21-003 MAL para sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive law on firearms and ammunition) na inisyu ni Hon. Judge Ma. Antonia Largoza-Cantero ng RTC branch 291 ng Malabon city kontra sa suspek.
Nakipag-ugnayan ang team sa pinsan ng suspek na si Jamaica Maninang na nakipagtulungan naman sa kanila at sinamahan sila sa ng bahay ng subject kung saan isinilbi kay Cuarteron ang search warrant sa presensya ng mga saksing media representative at barangay kagawad.
Inaresto ang suspek at narekober sa kanya ang isang cal. 38 revolver na kargado ng anim na bala, isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, itim na back bag, sling bag, lighter at box.