INIHAYAG ni Manila Mayor at reelectionist Honey Lacuna-Pangan na naniniwala ito sa due process sa bansa at nagpahayag ng kanyang kahandaan na patunayan na mali ang mga akusasyon laban sa kanya.
Si Lacuna-Pangan, kasama na pati sina Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo at asawa nitong si Romero “Miro” Quimbo, ay kabilang sa mga kandidatong inisyuhan kamakailan ng Commission on Elections (Comelec) ng Show Cause Order (SCO) ukol sa mga alegasyon ng vote buying at Abuse of State Resources o ASR.
Sinabi ni Lacuna-Pangan na susunod siya sa inilabas na SCO at handa silang pabulaanan ang mga akusasyon.
Sa panig naman ng mag-asawang Quimbo, na kapwa tumatakbo sa pwesto sa darating na halalan sa lungsod ng Marikina, sinabi nila na handa rin silang saguting ang SCO na inisyu ng Comelec. Nilinaw din nila sa pamamagitan ng isang joint statement na ang isyu laban sa kanila ay isa lamang reklamo at hindi katumbas ng isang kaso
Si Rep. Quimbo ay kandidato sa pagka-alkalde ng nasabing lungsod, samantalang ang asawang si Miro ay susubukang makabalik sa dati nitong pwesto sa House of Representatives.

