Breaking News

Share this information:

SA halip na mapuksa, mukhang dumarami pa ang mga tiwaling kapulisang higit na kilala bilang mga “Kotong Cops.” Ito ay sa kabila pa ng babala ni Philippine National Police (PNP) Director-General Guillermo Eleazar na kanyang sisibakin ang mga pulis na makakaladkad sa katiwalian, pang-aabuso o kahit pa kawalan ng aksiyon.

Pagpapakita ba ito ng kawalang bilib kay Eleazar? Sa ganang akin ay hindi. Katunayan, marami-rami na ding nasampolang tigasin at abusadong pulis ang PNP chief sa kabila pa nang maikling panahong nalalabi para sa kanyang termino. Mayroon na nga lang sigurong ilang matigas ang mukha at tila naghahamon sa kakayahan ni General Eleazar.

At kung hindi ako nagkakamali, maging itong mga pulis karagatan sa bandang norte ay mapapabilang sa mga mawawalan ng karapatang magsuot ng uniporme sakaling mapatunayan ang alegasyong ibinabato sa kanila ng mga mangingisda.

Partikular na idinudulog ng mga mangingisda sa Region 1 ang PNP Maritime Group na nakatalaga sa nasabing rehiyon. Anila, garapalan silang ino-obliga ng ilang gagong opisyal ng pulisya para magbigay ng regular na “ayuda” bukod pa sa mga isdang sapilitan kinukuha sa tuwing sila ay dadaong – marahil para mapasarap ang kanilang pamumulutan habang tumutungga ng mga nakalalasing na inumin.

Sa kanilang salaysay, ang buwanang obligasyon ay para umano bigyang proteksyon ang mga mangingisda. Ano daw? Proteksyon laban kanino? Kung mayroon mang nakaambang panganib sa kanila, ito ay ang mismong mga unipormadong mandarambong na mistulang ATM ang tingin sa mga pobreng mangingisda.

Ang nakakangitngit, kahit pa hindi pumapalya sa pagbibigay ng buwanang ayuda ang mga mangingisda ay huli pa din ang kanilang inaabot sa PNP-Maritime Group na nasa Region 1.

Naniniwala akong hindi palalagpasin ni General Eleazar ang mga abusadong pulis, lalo pa’t ibinida na ng PNP chief na hindi siyang magdadalawang-isip na sibakin ang anay sa kanilang hanay. Aniya, madaling palitan ang mga masisibak at hindi kailanman mapipilay ang kanilang institusyon dahil mayroong hindi bababa sa 17,000 aplikante ng PNP ang handing pumalit sa mga matatakaw.

Sa gawing Calabarzon naman, tila protektado ng mga pulis na nakatalaga sa bayan ng Real sa lalawigan ng Quezon ang isang manyak na lolong gumahasa sa kanyang dalawang apo.

Ang siste, hindi nila makuhang pasukin ang bahay ng isang Felicisimo Ponce na ayon sa mismong mga biktima ay mayroong sariling armory ng mga matataas na kalibre ng baril. Ang dahilan — bata daw kasi ito ng mayor ng nasabing bayan. Sa ating pagtatanung-tanong, lumalabas na dati palang barangay treasurer si Lolo Felicisimo, samantalang ang anak nito’y empleyado din ng munisipyo.

Nang kanilang isampa ang kasong rape kay Lolo Felicisimo, nagawan pa daw nito ng paraan na makapagpiyansa para sa isang capital offense na karaniwang “no bail provision recommended.” Paano nangyari yun? Eh ano pa ang silbi ng kanyang inaanak na piskal na nakatalaga sa nasabing bayan?

Susmaryosep naman, no bail pero nakapagpiyansa?  

Kwento sa atin ng isa sa dalawang biktima, 10-taong gulang pa lamang siya ay inaabuso na daw siya ng kanyang lolo at itinataon ang kamanyakan sa tuwing papasok sa trabaho ang kanyang ama. Natigil lamang ito nang silang magkapatid ay nagpasyang umalis na lamang sa poder ni lolo.

Pahabol pa ng biktimang 19-anyos na ngayon, patuloy pa din ang ginagawang panggigipit at pananakot ni Ponce sa kanilang magkapatid upang i-atras ang demanda.

Para sa mga sumbong, suhestiyon at pagtutuwid, mangyaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng email: fernanjoseangeles@gmail.com

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: