GAGAWAN ng paraan ng House of Representatives na maisumite na sa Senado sa Oktubre 28 ang aprubadong kopya ng 2021 General Appropriations Bill o GAB.
Kasunod ito ng hiling ni Senate President Vicente Sotto III kay Speaker Lord Allan Velasco na mai-transmit na ang 2021 national budget bago matapos ang Oktubre.
Sinabi ni House Committee on Appropriations chairperson Rep. Eric Go Yap, sa sandaling mapagtibay mamaya sa 3rd and final reading ang pambansang pondo ay bibigyan ang mga ahensya ng gobyerno ng hanggang Lunes, Oktubre 19 para magsumite ng amendments sa binuong small special committee.
Tatapusin naman ng small committee ang pagsusuri nito sa Oktubre 21.
Ayon kay Yap, tatagal ng 10 araw ang imprenta sa National Printing Office pero pupuwedeng mabigyan na nila ang mga senador ng kopya ng 2021 GAB na hindi pa opisyal na na-e-encode at naiimprenta o hindi muna ang hard copy nito.
Nauna rito ay sinabi ni Yap na pupuwede nilang ihabol ang pagtransmit ng national budget sa Senado sa pinaka-maagang petsa na Nobyembre 2.