Konsehal sa Bulacan, namatay sa COVID-19 kahit bakunado na

Share this information:

BAGAMAN nabakunahan na ng unang dose ng COVID-19 vaccine, nasawi pa rin ang isang dating konsehal ng bayan ng Balagtas, lalawigan ng Bulacan makaraang ma-impeksiyon muli ng nasabing sakit.

Ayon sa ulat, namatay sa COVID-19 si dating Konsehal Ariel Puatu, 56 anyos, may-asawa, at residente ng Longos, Balagtas, Bulacan.

Napag-alaman na buong pamilya umano ni Puatu ang tinamaan ng naturang sakit at si konsehal at ang asawa nitong si Gemma ang sinasabing pinaka-grabe ang naging kaso habang mild cases naman ang dalawa nitong anak.

Base pa din sa ulat, Hulyo 16 nang magkaroon ng lagnat ang konsehal at pagdating ng ika-apat na araw ay na-comatose ito at isinugod sa Sacred Heart Hospital sa Malolos hanggang sa bawian ng buhay ng Hulyo 20.

Nabatid na bakunado na ng first dose ang konsehal at pamilya nito ng Sinovac vaccine. Napag-alaman pa na ito ang ikalawang beses na tinamaan ng nasabing infectious disease ang konsehal.

Labis naman ang pagtataka ng mga kamag-anak at kaibigan, maging ang pamilya ni Puatu kung bakit sa kabila ng bakuna ay nasawi pa rin ang mahal nila sa buhay pagpapatunay anila na wala pa rin umanong kasiguruhan sa kaligtasan ang taumbayan kahit bakunado na.

Magugunita na ayon sa Department of Health (DOH), kapag bakunado na laban sa COVID-19 ay maaari pa rin magka-COVID-19 subalit hindi na magiging ganoon ka-delikado at magiging madali na ang gamutan.

Si Puatu ay nahalal na konsehal ng bayan at tatlong terminong nanungkulang municipal councilor mula 2001-2010 habang naging dati ring alkalde naman ang kaniyang ama na si Mayor Mario Puatu noong 2001-2004.

Si Puatu ay kasalukuyang hepe ng Public Employment Service Office (PESO) ng lokal na pamahalaan ng Balagtas.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.