NAIBALIK sa may-ari ang ìsang Sports Utility Vehicle (USV) dahil sa ‘Global Positioning System’ o GPS tracking device matapos abandonahin ng mga di nakilalang carnappers ng maalarma at habulin ng mga nagpapatrulyang pulis sa Tondo, Maynila.
Nabatid sa imbestigasyon ni Police Staff Sgt. Christian Balais, ng Manila Police District-Police Station 7, alas-10:05 ng gabi ng Sabado, Oktubre 17 ng makita ang SUV na isang Nissan Sentra sa lugar kung saan inabandona ng mga suspek sa madilim na bahagi ng Daang Bakal St.
Nagsasagawa ng Anti-Criminality Checkpoint ang mga tauhan ng PS7 sa may Yuseco malapit sa.panulukan ng Dagupan St., Tondo, ng sila ay maalarma sa mabilis na takbo ng SUV.
Hinabol ng mga pulis ang SUV malapit sa riles ng Daang Bakal Street at dito nakita na inabandona na ang sasakyan ng mga suspek.
Dumating ang personnel mula sa Task Force Limbas na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Joel Manuel Ana nagawa nilang matunton ang may-ari ng sasakyan sa pamamagitan ng GPS.
Ayon sa may-ari, puwersahan umanong inagaw sa kanila ang sasakyan ng apat na suspek noong Biyernes sa may bisinidad ng SM Lazaro.
Dinala umano ang driver at may-ari sa Marque mall sa may San Fernando, Angeles City, Pampanga at doon sila iniwan ng mga suspek.
Patuloy pa ang pagtugis na isinasagawa ng Manila Police District-Anti Carnapping Team laban sa mga suspek.