NASA kritikal na kalagayan ang isang 46-anyos na lalaki matapos saksakin sa ulo ng ka-barangay nito sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong saksak sa ulo ang biktima na kinilalang si Roger Acedera, ng Blk 44, Lot 25, Brgy. Longos.
Nahaharap naman ngayon sa kasong Frustrated Murder ang suspek na kinilalang si Melchor Marbida Jr., 22 anyos, ng Blk 26 Lot 8, Kaligay Alley, Brgy. Longos.
Sa ulat ng mga imbestigador na sina PSSgt. Mardelio Osting at PSSgt. Diego Ngippol kay Malabon police chief Col. Joel Villanueva, dakong alas 2:20 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Blk 26, Lot 8, Kalinga Alley.
Base sa imbestigasyon, nakahiga ang biktima sa isang upuan sa naturang lugar nang lapitan ng suspek na armado ng kitchen knife at sa hindi malaman pa na dahilan ay tinarakan nito sa kanang bahagi ng ulo si Acedera kaya’t agad siyang inawat ng ilang bystander sa lugar.
Matapos ang insidente, mabilis na isinugod ang biktima sa naturang pagamutan habang naaresto naman ang suspek ng rumespondeng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 at narekober sa kanya ang ginamit na kitchen knife.

