NATIMBOG ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Cebu District Office (NBI-CEBDO) ang isang lalaki na palihim na nagbebenta at nagsangla ng anim na sasakyan sa Cotabato City, Zamboanga City, Talisay City, at Bohol na kaniyang nirentahan sa Metro Manila, gamit ang mga pinekeng dokumento.
Base sa isinumite kay NBI Director Jimmy Santiago, ang suspek na si alyas “Savellon” ay ipinagharap na ng reklamong carnapping (Republic Act No. 10883), estafa (Article 315, Revised Penal Code), at falsification of documents (Article 172, RPC) kaugnay sa mga nirentahang sasakyan sa di tinukoy na pagkilanlan ng may-ari ng car rental.
Kabilang umano ni Savellon ang isang alyas “Cupin” na pinagkatiwalaan ng complainant ng anim na sasakyan.
Sa imbestigasyon, ang mga buyer ang nagbiyahe ng mga sasakyan sa kani-kanilang lalawigan.
Nalaman ang krimen sa extra judicial confession ni Savellon, na naging daan para sa follow-up investigation ng NBI-CEBDO.
Ang sinangla ni Savellon na Mitsubishi Montero Sports sa Talisay Cebu ay nabawi.
Sa nakakabit ng tracking device o GPS sa sasakyan, natunton ang isang Toyota Grandia van sa Carmen, Bohol, noong Enero 15, 2025 at nakipagtulungan ang NBI-Bohol District Office.
Dahil sa mga pekeng dokumento ng pagbebenta ni Savellon magsasampa ng hiwalay na kaso ang nakabili nito.
Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon para matunton ang apat pang nawawalang sasakyan.

