Kaso nina Bantag, iba pang sangkot sa “Percy Lapid” slay case, didinggin sa Las Pinas at Muntinlupa

INIHAIN ang mga kaso laban kay suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at iba pang sangkot sa pagpaslang sa broadkaster na si Percy Lapid at inmate Jun Villamor sa Regional Trial Courts ng Las Pinas at Muntinlupa City kung saan gugulong ang mga pagdinig.

Nitong Marso 14, inihain ang kasong pagpaslang kay Lapid sa Las Pinas Regional Trial Court habang  Marso 13 naman isinampa sa Muntinlupa RTC ang kasong pagpatay kay Villamor.

Ito ay makaraang i-“indict” ng Department of Justice (DOJ) sina Bantag, dating BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta at iba pa sa pagpaslang kina Lapid at Villamor nang makitaan ng “probable cause” ang mga inihaing reklamo.

Sinabi ng DOJ sa isang press statement na may iniharap na sapat na circumstantial evidence para matukoy na si Bantag ang may pakana ng pagpatay.

 “Sufficient circumstantial evidence has been presented to establish that he (Bantag) masterminded the assassination.”

Sa kampo naman ni Bantag, sinabing maghahain sila ng apela habang inaasahan naman umano ng kampo ni Zulueta ang pagsasampa ng kaso sa kaniya.

Matatandaan na pinagbabaril at napatay si Lapid noong Oktubre 3, 2022 sa Las Pinas City, habang pinaslang naman si Villamor sa loob ng New Bilibid Prison noong Oktubre 18.  Magka-ugnay umano ang dalawang kaso dahil ang pagpatay kay Villamor ay ginawa para pagtakpan ang asasinasyon kay Lapid.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.