Nasa mahigit limang libong litro ng langis, iba pang materyales, nakolekta sa lumubog na tanker

SINABI ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa kabuuang 5,603 litro ng oil/water mixture at 50 sako ng oil-contaminated materials ang nakolekta simula noong Marso 1 mula sa lumubog na motor tanker sa baybayin ng Oriental Mindoro.

Sa shoreline operations ay nakakolekta ng 1,071 sako at 22 drum ng oil contaminated materials sa 13 apektadong barangays sa bayan ng Naujan, Bulalacao at Pola.

Ang MT Princess Empress na may kargang 800,000 litro ng langis ay lumubog na nasa 400 metrong lalim sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro at inanod sa bahagi ng Pola  na pinaka-apektado sa ngayon.

Una nang iniulat na 100,000 residente na ang apektado ang kabuhayan at kalusugan dahil sa oil spill.

Bukod dito, 13 mula sa 77 lugar na direktang apektado ng spill ay idineklara nang nasa State of Calamity.

Base sa projection ng University of the Philippine Marine Science Institute (UPMSI), sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang oil spill ay maaaring umabot sa northern Palawan mainland at pinangangambahang maapektuhan ang 36,000 hektarya ng marine habitat.

Samantala, nagdeploy na rin kahapon ng oil spill boom at skimmer na may manual scooping sa lugar na hinihinalang pinaglubugan ng MT Princess Empress.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.