TATLONG mga menor-de-edad na biktima ng sexual abuse ang na-rescue ng National Bureau of Investigation – Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) sa Ronda, Cebu.
Ayon sa impormasyon na ibinahagi ng Australian Federal Police (AFP) sa pamamagitan ng Philippine Internet Crimes Against Children Center (PICACC), si Victor Daniel Ibarra, isang Argentinian national, ay naaresto sa Sydney, Australia dahil sa pag-iingat ng Child Sexual Abuse and Exploitation Materials (CSAEM) ng tatlong menor de edad.
Natuklasan din na ang dayuhan ay may Filipina partner na taga Cebu na nakatatandang kapatid ng mga biktima.
Bilang tugon sa impormasyong natanggap ng NBI, nagtungo ang NBI-AHTRAD kasama ang NBI Central Visayas Regional Office (CEVRO) at social workers mula sa Department of Social Welfare and Development – Region VII (DSWD-VII) office sa bahay ng mga biktima na nagresulta ng kanilang pagkakasagip.
Inirekomenda ng NBI-AHTRAD ang paghahain ng kasong paglabag sa Section 4 ng R.A. 9208 at Section 4 ng R.A. 9775 na nauugnay sa R.A. 10175.