ISANG petition for writ of habeas corpus ang inihain ng kampo ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa Supreme Court nitong Miyerkules ng umaga kaugnay sa ilegal na pag-aresto at pagdetine sa kanya kahapon, Marso 11.
Si dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo at kanyang anak na abogado na si Atty. Salvador Panelo, Jr. ang naghain ng nasabing petisyon para sa anak ng dating pangulo, kung saan hiniling nito sa Kataas-taasang Hukuman na atasan ang gobyerno na gumawa ng paraan upang agarang ibalik sa bansa ang kanyang ama.
Ayon kay Atty. Panelo, Jr., ang batayan ng habeas corpus ay ang pagdetine kay Duterte ng walang basehan o illegal detention.
Paliwanag ng mga abogado, hindi pwedeng batayan ng pag-aresto at pagdetine sa dating pangulo ang International Criminal Court (ICC) warrant of arrest dahil walang hurisdiksyon ang ICC sa ating bansa.
Sinabi pa ng legal counsel na hindi pwedeng mag-exercise ng hurisdiksyon ang ICC dahil maayos namang tumatakbo ang national legal system ng Pilipinas.
Giit ng legal counsel ni Duterte, batay sa kanilang pag-aaral ay walang basehan ang warrant of arrest. ng ICC.
Umaasa naman ang mga legal counsel ni Duterte na hindi pa huli ang lahat kaya nais nilang agarang mamagitan ang Korte Suprema.
Kabilang sa mga respondent sa petisyon ay sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Secretary Jesus Crispin Remulla, Police General Rommel Francisco Marbil na siyang hepe ng Philippine National Police Marbil at Police Major General Nicolas Torre III na siyang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group.
