NASA kabuuang 14 na barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang gagamitin sa paghahatid ng mga relief goods sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Leopoldo Laroya, nakarating na sa Tagbilaran, Bohol ang MRVV-4401 (BRP Tubbataha) at nakapag-diskarga na ng 30 sako ng bigas, dalawang drum ng gasolina, generator set, isang kahon ng de-latang tuna at apat na roll ng tarpaulin.
Ang mga sumusunod na barko naman ay nakapaghatid na rin ng mga relief items:
• OPV-8301 (BRP Gabriela Silang) na ligtas na nakarating sa EVA Macapagal Terminal, Surigao City.
• MRRV-4409 (BRP Cabra) Ormoc City, Leyte.
• SARV-3502 (BRP Nueva Vizcaya) sa Lapuz Wharf, Iloilo City
• MRRV-4407 (BRP Sindangan) sa Surigao na may 250 pasahero at 22 motorsiklo.
• MRRV-4411 (BRP Cape Engaño) sa Puerto Princesa Port, Palawan.
• MRRV-4408 (BRP Cape San Agustin) sa Sibago Island, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) na may dalang mineral water, mga flashlight na may baterya, saku-sakong bigas at iba pang relief items mula sa Department of Social Welfare and Development.
• MRRV-4410 (BRP Bagacay) Surigao City, may dalang food packs, de-botelyang tubig at mga saku-sakong bigas.
• MRRV-4402 (MALABRIGO) Manlibat Point sa Cebu na may lulang communications personnel, mineral water at fuel.
Bukod sa siyam na barkong nabanggit, mayroong lima pang barko ng PCG ang kasalukuyan nang kinakargahan ng relief goods upang maihatid din sa mga biktima ng bagyong Odette.
Kabilang rito ang mga sumusunod:
• AE-46 (BRP Bojeador) na nasa Puerto Princesa City, Palawan.
• SARV-5605 (BRP Batangas) Roxas City, Palawan.
• TB-271 (BRP Habagat) na nasa Maynila at patungong Negros Occidental.
• AE-891 (BRP Corregidor) na nasa Maynila at patungong Palawan.
• MRRV-4404 (BRP Capones) nasa Palawan at kinakargahan ng construction materials na dadalhin sa Kalayaan Island Group.
Umalis na rin sa Pier 13 ng Manila South Harbor ang MMOV-5001 (BRP Lapu Lapu) na may lulang mga tauhan ng Philippine National Police Maritime Group at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources patungong Lucena City sa Quezon.
Nakaantabay naman ngayon ang PCG report sa Cessna 2081 Caravan turboprop aircraft na idineploy upang magsagawa ng aerial survey sa Palawan at assessment sa kalagayan sa Kalaayan Group of Island.
Panawagan naman ni Admiral Laroya sa publiko na ipanalangin ang kaligtasan at kalusugan ng mga tauhan ng PCG na ngayon ay nasa relief missions.

