ISANG Pilipino na umuwi ng bansa galing ng South Africa ang kinakitaan ng ibang variant ng COVID-19 matapos itong isailalim sa whole genome sequencing.
Ayon kay Department of Health (DOH) Spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lumabas ang resulta ng genome sequencing noong Huwebes at nagpositibo sa B.1.1.2.03 na kung saan ay hindi maituturing ng variant of concern o variant of interest.
Hindi naman nagbigay ng iba pang detalye si Vergeire kaugnay ng kondisyon ngayon ng Pilipino na nagpositibo sa nasabing variant.
Samantala, nahanap naman na ang limang Pilipino at sumailalim pa sa retesting. habang ang dalawa pang sea-based overseas Filipinos ay patuloy pa din hinahanap hanggang sa ngayon.
Inamin din ni Vergeire na bagaman wala pang naitatalang kaso ng Omicron variant sa bansa, mataas ang tiyansa na makakapasok din ito sa bansa.
Subalit tiniyak naman niya ang kahandaan ng DOH sa pagtugon dito.
Hinikayat pa din niya ang publiko na palagiang tumalima sa minimum public health standards upang maging epektibo ang pagsugpo sa COVID-19.